-- ADVERTISEMENT --

Maaaring sundan ng Senado ang naging proseso noong impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012 sakaling maglabas ito ng subpoena para makuha ang tax records ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate impeachment court spokesperson Regie Tongol.

Ayon kay Tongol, naaprubahan na ng impeachment court ang kahilingan ng House prosecution panel para maglabas ng subpoena duces tecum at subpoena ad testificandum laban sa ilang opisyal ng Land Bank of the Philippines at mga dokumentong may kaugnayan sa Article I ng impeachment complaint.

Nakatuon ang naturang artikulo sa alegasyon ng maling paggamit o misappropriation ng confidential funds.

Ipinaliwanag ni Tongol na isasagawa ang pagpapalabas ng subpoena sa pamamagitan ng ex parte proceedings, kaya hindi na kailangan ang paunang pag-apruba o pagtutol ng kampo ng depensa. Gayunman, maaari pa rin itong kwestiyunin ng depensa kapag nagsimula na ang paglalahad ng ebidensya, pagsusumite ng mga dokumento, o pagdinig sa mga testigo.

Mas masalimuot umano ang magiging usapin kung tax records, bank documents, o mga ulat mula sa Anti-Money Laundering Council ang hihingin dahil maaaring pumasok ang mga ito sa mga proteksiyong itinatakda ng bank secrecy laws, taxpayer confidentiality rules, privacy regulations, at iba pang legal na limitasyon.

Samantala, nananatiling may magkakaibang pananaw ang mga eksperto kung maaaring iakyat sa Korte Suprema ang isyu ng subpoena na ilalabas ng impeachment court. May mga naniniwalang saklaw ng eksklusibong kapangyarihan ng Senado bilang impeachment court ang pagresolba sa ganitong mga usapin, kaya hindi agad maaaring pakialaman ng hudikatura ang mga interlocutory order nito.