Iginiit ng human rights lawyer na si Atty. Neri Colmenares na kailangang malinaw na maayos ng Senado ang usapin sa 2/3 voting threshold bago isagawa ang pinal na paghatol sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Suno kay Colmenares na mahalaga ang malinaw na interpretasyon ng voting requirement upang matiyak na epektibong magagamit ang impeachment bilang mekanismo laban sa mga tiwaling at abusadong opisyal.
Ayon sa abogado, hindi malinaw sa Konstitusyon kung ang kinakailangang 2/3 na boto ay dapat ibatay sa kabuuang bilang ng mga senador o sa mga aktibong nakikibahagi sa impeachment proceedings.
Muling umigting ang usapin matapos hilingin ni Senator-Judge Erwin Tulfo na linawin ang voting threshold dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng ilang miyembro ng Senado.
Kabilang sa mga senador na hindi kasalukuyang nakikibahagi sa proceedings sina Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta, habang wala rin sa bansa si Bato dela Rosa. Nasa labas din ng bansa at naka-medical leave si Senator Loren Legarda.
Para kay Colmenares, hindi makatarungang awtomatikong isama sa bilang ang mga senador na hindi nakadalo at hindi personal na nakapakinig sa mga ebidensya at testimonya na iniharap sa impeachment court.
Binigyang-diin niya na dapat mapanatili ng Senado ang pagiging epektibong mekanismo ng pananagutan upang hindi maimpluwensyahan ng pulitika o pansariling interes ang magiging desisyon sa kaso.
Samantala, kaugnay ng naunang pahayag ni Senate President Chiz Escudero na 16 na boto o two-thirds ng kabuuang Senado ang kailangan para ma-convict ang isang opisyal, sinabi ni Colmenares na maaaring maghain ng mosyon ang isang senador upang amyendahan o baguhin ang umiiral na panuntunan, kung ito ay papaboran ng mayorya.
Inaasahang pagdedesisyunan ng Senado sa mga susunod na araw ang kontrobersyal na voting threshold upang malinaw ang panuntunang gagamitin bago ang pinal na hatol sa impeachment case ni Duterte.













