-- ADVERTISEMENT --

Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong higpitan ang paglahok ng mga kamag-anak ng ilang public officials sa government contracts at procurement.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1962 o Government Contracting and Procurement Integrity Act, pagbabawalan ang mga kamag-anak ng mga sakop na opisyal hanggang ikaapat na antas ng pagkakamag-anak sa dugo, kasal o adoption na lumahok sa government procurement.

Saklaw ng panukala ang government contracts, subcontracting, consortium, joint ventures at iba pang katulad na kasunduan para sa mga proyekto ng pamahalaan.

Kabilang sa mga opisyal na sakop nito ang mga halal na opisyal sa lokal at pambansang pamahalaan, mga kalihim, undersecretary at assistant secretary, gayundin ang mga opisyal ng government-owned and controlled corporations at state universities and colleges.

Kasama rin sa pagbabawal ang mga personnel na direktang sangkot sa procurement process, gaya ng heads of procuring entities, Bids and Awards Committee members, technical working groups, BAC Secretariat, project consultants at implementing units.

Layunin ng panukala na maiwasan ang conflict of interest at mga posibleng daan sa korapsyon, habang pinatitibay ang patas at transparent na paggamit ng pondo ng bayan.

Kapag naisabatas, maaaring makulong ng isa hanggang tatlong taon at pagmultahin ng hindi bababa sa P100,000 ang mga lalabag. Maaari rin silang patawan ng habambuhay na pagbabawal sa paglahok sa government procurement.

Maaari ring managot ang mga public officials na mapatutunayang sangkot sa paglabag sa ilalim ng mga umiiral na batas laban sa graft and corruption.

Matapos maaprubahan sa Senado, kailangan pa itong dumaan sa proseso sa Kamara at iba pang hakbang bago tuluyang maging batas.