Nagtaas ng security alert ang U.S. Embassy in the Philippines kasunod ng pagkasawi ng dalawang Filipino-American sa engkwentro sa pagitan ng militar at ng New People’s Army sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.
Dahil dito, naglabas ng paalala ang embahada sa mga mamamayan ng Amerika na iwasan ang mga lugar na may aktibong operasyong militar, kabilang ang Negros Island, Leyte, Samar, at Mindoro. Pinayuhan din silang maging maingat lalo na sa mga rural na lugar at agad na umiwas kung may makitang armadong grupo.
Binanggit ng embahada na itinuturing ng pamahalaan ng United States at Philippines ang NPA bilang isang foreign terrorist organization, kaya’t mas pinaigting ang pagbibigay-babala sa kanilang mga mamamayan.
Kasabay nito, naglabas din ang embahada ng Demonstration Alert kaugnay ng mga kilos-protesta noong Labor Day sa Metro Manila. Pinayuhan ang mga U.S. citizens na umiwas sa malalaking pagtitipon upang makaiwas sa posibleng kaguluhan.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na seguridad at pag-iingat ng embahada para sa kanilang mga mamamayan sa bansa.













