Milyon-milyong personal at sensitibong impormasyon ang posibleng nakompromiso matapos maiulat ang malawakang data breach na kinasasangkutan ng 23 lokal na institusyon sa bansa, ayon sa cybersecurity monitoring group na Deep Web Konek.
Batay sa intelligence assessment ng grupo mula Nobyembre 5 hanggang 7, kabilang sa mga umano’y nalantad na impormasyon ang government IDs, taxpayer records, payroll details at student profiles.
Kabilang sa mga institusyong nabanggit ang Office of the Vice President, Bureau of Internal Revenue (BIR), Securities and Exchange Commission (SEC), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine Coast Guard at Land Transportation Office (LTO).
Naitala rin umano ang posibleng pag-access sa halos 19.2 milyong rekord ng DOLE, 19 milyong resident profiles mula sa DILG at Barangay Central Database, at mahigit 20.9 milyong shipment logs ng LBC Express.
Kabilang din sa mga institusyong iniugnay sa insidente ang ilang unibersidad at ang Philippine Air Force.
Nagbabala ang Deep Web Konek na maaaring magamit ang mga nakompromisong impormasyon sa phishing, text scams, identity theft at iba pang uri ng cybercrime.
Samantala, patuloy pang bineberipika ng mga nabanggit na institusyon ang katotohanan at lawak ng naiulat na data breach.









