Suportado ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro ang pagbubukas sa media at publiko ng mga susunod na pre-trial conference sa impeachment proceedings laban kay Sara Duterte.
Bagama’t hindi pinayagang masaksihan nang buo ng media ang unang pre-trial conference, sinabi ni Luistro na mahalaga rin ang transparency sa mga ganitong proseso upang mas maunawaan ng publiko ang takbo ng impeachment case.
Gayunman, kinilala rin ng mambabatas ang dahilan ng impeachment court sa paglilimita ng coverage, dahil karaniwang teknikal, detalyado, at matrabaho ang mga pre-trial conference, kabilang na ang pagtalakay at pagmamarka ng mga ebidensya.
Ayon kay Luistro, paulit-ulit at masusing proseso ang pre-trial kaya maaaring ito ang isa sa mga naging konsiderasyon ng impeachment court sa hindi pagbubukas nito nang lubusan sa publiko.
Tiniyak naman niya na ang mahahalagang napagkasunduan sa mga conference ay maisasapubliko rin sa pamamagitan ng pre-trial order o ulat na ilalabas matapos makumpleto ang serye ng mga pagdinig.
Nakatakda namang muling magharap sa susunod na linggo ang prosecution at defense panels sa Senate of the Philippines para sa pagpapatuloy ng mga pre-trial proceedings sa impeachment case ng bise presidente.













