-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang magiging sentro ng susunod na yugto ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang alegasyon ng unexplained wealth, kasunod ng pagtanggap ng prosecution ng mga financial at documentary records na may kaugnayan sa bise presidente, sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio at mga kumpanyang konektado sa kanila.

Ayon kay impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers, kabilang sa mga susuriin ang bank records, BIR documents, tax records, SALNs at mga rekord mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Ang mga dokumento ay gagamitin umano ng prosecution sa Article II, kung saan iniuugnay kay Duterte ang alegasyon ng betrayal of public trust dahil sa umano’y hindi pagtutugma ng kanyang yaman sa lehitimong kita at hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian sa SALNs.

Ayon kay lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, uunahin ang Article II matapos makumpleto ang presentasyon sa Article I na tumatalakay sa umano’y maling paggamit at liquidation ng P612.5 milyong confidential funds.

Samantala, sinabi ng prosecution na susunod na haharapin ang bribery charge sa huling bahagi ng paglilitis. Ang mga alegasyon laban kay Duterte ay kailangan pa ring mapatunayan sa pamamagitan ng ebidensya sa Senate Impeachment Court.