-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng House prosecution panel na hindi sila magpapadala sa anumang pressure group sa paghawak ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ang kanilang mandato ay nakabatay sa Konstitusyon at sa mga ebidensyang ihaharap sa impeachment court sa Senado, at hindi sa anumang panig na sumusuporta o tumututol sa kaso.

Giit niya, matagal nang umiiral ang presyur mula sa magkabilang kampo, ngunit mananatiling nakatuon ang prosekusyon sa pagsunod sa itinakdang proseso ng pananagutan sa ilalim ng Saligang Batas.

Nakatakdang magsimula ang impeachment trial sa Senado bukas, July 6, kasunod ng paglalabas ng pretrial order at pagkumpleto ng mga paghahanda para sa paglilitis.

Sinabi rin ni Adiong na ihaharap ng prosekusyon ang lahat ng kaukulang ebidensya at hahayaan ang impeachment court na magpasya batay sa nilalaman ng kaso hanggang sa makumpleto ang proseso.