Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Police Regional Office–Davao Region (PRO-11) kaugnay sa pagkamatay ng isang opisyal ng Philippine National Police na natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanyang quarters.
Ayon sa ulat ng pulisya, nadiskubre ang opisyal na wala nang buhay ilang oras bago ang pagdating ng PNP Chief na si Police General Jose Melencio Nartatez, Jr. sa Davao City.
Matapos ang insidente, personal na nagtungo si PGen. Nartatez sa PRO-Davao headquarters na matatagpuan sa Camp Sgt. Quintin M. Merecido sa Barangay Buhangin, Davao City bilang bahagi ng kanyang command visit.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang PNP Chief sa naulilang pamilya ng nasawing opisyal at iniutos ang masinsin at masusing imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang PRO-11 habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.












