-- ADVERTISEMENT --

Naka-full alert status na ang Philippine National Police (PNP) mula sa dating heightened alert bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa Mayo 1.

Ayon kay PBGen. Randulf Tuaño, kasama sa full alert ang suspensyon ng leave ng mga pulis, mas pinaigting na police visibility, malawakang deployment ng pwersa, activation ng support units, at mas mahigpit na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Bagama’t wala pang natatanggap na partikular na banta sa seguridad, tiniyak ng Philippine National Police na naka-heightened monitoring sila upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.

Tinatayang higit sa 100,000 pulis ang ipapakalat sa buong bansa, kung saan malaking bilang ay itatalaga sa National Capital Region dahil dito inaasahang gaganapin ang pinakamaraming aktibidad at kilos-protesta.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy kung ilang grupo ang may permit na magsagawa ng mga rally at iba pang pagtitipon sa araw ng paggawa.