-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa 746 pamilya o 2,041 indibidwal ang kinailangang lumikas sa ilang bahagi ng Albay matapos ang pagputok ng Bulkang Mayon nitong Biyernes.

Batay sa datos ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), kabilang sa mga nagsagawa ng evacuation ang Tabaco City na may 531 pamilya, Camalig na may 205 pamilya at Ligao City na may 10 pamilya.

Naka-red alert naman ang Provincial Disaster Operation Center upang matiyak ang mabilis na koordinasyon at pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente. Namahagi rin ang Provincial Health Office ng 22,000 surgical masks bilang proteksiyon laban sa ashfall.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagsimula ang moderately explosive eruption dakong alas-11:53 ng umaga nitong Biyernes at tumagal nang anim na minuto, na nagbuga ng ash plume na umabot sa 3,000 metro mula sa bunganga ng bulkan.

Muli ring nagbuga ng abo ang Mayon dakong alas-5:17 ng umaga nitong Sabado, habang nananatili sa Alert Level 3 ang status nito.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ), habang pinapayuhan ang mga residente at publiko na sundin ang mga babala at abiso ng mga awtoridad para sa kanilang kaligtasan.