-- ADVERTISEMENT --

Muling tiniyak ng Department of National Defense (DND) ang matatag nitong paninindigan sa pagtatanggol sa soberanya at mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Award.

Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., nananatiling mahalagang batayan ang arbitral ruling dahil kinilala nito ang mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ), alinsunod sa umiiral na international law.

Sinabi rin ni Teodoro na mas lumalawak ang kamalayan at suporta ng mga Pilipino sa pagsusulong ng pambansang interes at sa pangangalaga sa West Philippine Sea.

Kasabay nito, tiniyak niya na patuloy na palalakasin ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kakayahan ng bansa sa depensa habang pinananatili ang mga nakamit na tagumpay sa usapin ng pambansang seguridad.

Binigyang-diin din ng kalihim na nananatiling nakatuon ang Pilipinas sa pagsunod at pagtataguyod ng international law, lalo na ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at hindi isusuko ang mga karapatan at kapakinabangan ng bansa sa West Philippine Sea.

Ayon kay Teodoro, patuloy na lalabanan ng Pilipinas ang anumang pagtatangkang ipagkait ang mga lehitimong karapatan nito sa West Philippine Sea, hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon kundi maging sa mga susunod pang salinlahi ng mga Pilipino.