Mariing iginiit ng Department of National Defense (DND) na hindi uurong ang Pilipinas sa pagtatanggol sa karapatan at soberanya nito sa Bajo de Masinloc sa kabila ng panawagan ng China na itigil ng bansa ang mga hakbang kaugnay ng lugar.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, malinaw na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc at naaayon sa international law ang mga hakbang ng pamahalaan.
Kabilang sa mga batayang binanggit ng DND ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 Arbitral Award na nagsisilbing legal na pundasyon ng posisyon ng Pilipinas sa usapin.
Ipinaliwanag din ng kagawaran na ang pagsusumite ng updated nautical chart ng Pilipinas sa United Nations ay bahagi ng hakbang upang mas malinaw na maitala at maipakita ang maritime zones na inaangkin ng bansa alinsunod sa international law.
Binigyang-diin ng DND na hindi ito magpapadala sa mga pahayag o kilos ng China na naglalayong kuwestiyunin ang karapatan ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc.
Giit ng kagawaran, mananatiling matatag ang bansa sa pagsusulong ng sariling karapatan at soberanya sa karagatan, alinsunod sa batas at mga umiiral na international agreements.













