-- ADVERTISEMENT --

Ginunita ng mga tagasuporta ng yumaong dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang ika-10 anibersaryo ng arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea.

Isinagawa ang paggunita sa puntod ng dating pangulo, kung saan pinangunahan ng Ninoy and Cory Aquino Foundation at ng Liberal Party ang isang programa na nagsimula sa pagdaraos ng banal na misa.

Binigyang-pugay sa pagtitipon ang naging papel ni Aquino sa paghahain ng kaso laban sa China noong 2013, na humantong sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 12, 2016. Sa naturang ruling, ibinasura ang nine-dash line claim ng China at kinilala ang mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone nito.

Sa programa, nanawagan si Liberal Party President Erin Tañada na italaga ang Hulyo 12 bilang isang pambansang araw ng pagninilay upang patuloy na maipaalala ang kahalagahan ng arbitral ruling at ang pagsusulong ng mga karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Samantala, sinabi ng mga lider at kinatawan ng sektor ng pangingisda na ang naging hakbang ng dating pangulo ay nagsisilbing paalala na maaaring ipaglaban ng isang maliit na bansa ang soberanya at mga karapatan nito sa pamamagitan ng batas at diplomasya.