-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na nakaaapekto ang Tropical Cyclone Inday at ang southwest monsoon o habagat sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ngayong Huwebes, ayon sa PAGASA.

Sa pinakahuling tala alas-3:00 ng madaling araw, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 940 kilometro silangan ng Hilagang Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 175 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 215 kilometro kada oras habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran.

Dahil sa epekto ng bagyo, inaasahan ang pag-ulan at malalakas na hangin sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Ilocos Norte, Aurora, at Catanduanes. Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na ito.

Makakaranas din ng kalat-kalat hanggang sa malalakas na pag-ulan ang Eastern Visayas at iba pang bahagi ng Bicol Region.

Samantala, patuloy namang pinalalakas ng habagat ang pag-ulan sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, BARMM, Lanao del Norte, Sultan Kudarat, Sarangani, at South Cotabato. Pinapayuhan ang mga residente sa mga nasabing lugar na maging alerto dahil sa banta ng pagbaha at landslide.

Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorm, partikular sa hapon at gabi.

Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather bulletin at sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan.