Naghain si Imee Marcos ng Senate Bill No. 2067 na naglalayong ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Nobyembre 2026 patungong Oktubre 2027, dahil sa pangambang maaapektuhan ang partisipasyon ng mga botante sa gitna ng mataas na gastos sa pamasahe dulot ng mahal na krudo.
Sa panukala, binigyang-diin na ang pagpapaliban ng halalan ay magbibigay-daan sa tuloy-tuloy na panunungkulan ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay. Ayon kay Marcos, makakatulong ito upang mas mapagtutukan nila ang pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga komunidad habang nararanasan ang krisis sa ekonomiya.
Tinukoy rin sa panukala ang malaking gastusin para sa halalan, na tinatayang aabot sa P16 bilyon ayon sa Commission on Elections (COMELEC), bukod pa sa karagdagang pondo mula sa Philippine National Police, Department of Education, at mga lokal na pamahalaan.
Iginiit ng senadora na mas makabubuting ilaan muna ang naturang pondo sa mas agarang pangangailangan ng mamamayan, tulad ng pagkain, krudo, at iba pang serbisyong panlipunan.
Dagdag pa niya, malapit ang iskedyul ng halalan sa panahon ng Undas, kung kailan inaasahan ang dagsa ng mga biyahero at pagtaas ng pamasahe. Para kay Marcos, mas mainam na mabigyan ang mga Pilipino ng pagkakataong gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay nang walang sagabal ng eleksyon at pulitika.













