-- ADVERTISEMENT --

Umapela si Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa mga kritiko at bashers ng administrasyon na pansamantalang itigil ang pambabatikos ngayong Semana Santa upang magbigay-daan sa pagninilay-nilay.

Ginawa ng opisyal ang pahayag nang tanungin ng media kung ipagdarasal ba niya ang mga bumabatikos sa pamahalaan, partikular na sina Vice President Sara Duterte at dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Giit ni Castro, ang Mahal na Araw ay panahon ng pananalangin kaya nararapat lamang na alayan ng dasal ang mga indibidwal na walang ibang ginawa kundi sirain ang gobyerno at ang mga opisyal nito. Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga online bashers na kung wala silang magandang masabi, mas makabubuting manahimik na lamang muna.

Aniya, ang tutok ng bawat isa ngayong linggo ay dapat ibuhos sa paghahanap ng espiritwal na karunungan sa halip na magpakalat ng paninira. Ang apela ni Castro ay nagsilbing paalala na ang Semana Santa ay oras ng pagninilay at espiritwal na paglago, at hindi ang panahon para magtaguyod ng mga negatibong pananaw.