Nais ng kampo ni Sen. Jinggoy Estrada na payagan siyang dumalo sa mga pagdinig ng kanyang kaso sa Sandiganbayan sa pamamagitan ng online video conferencing upang maipagpatuloy umano niya ang kanyang mga tungkulin bilang senador kahit habang nakadetine.
Sa pagdinig kahapon, inihain ng depensa ang kahilingan sa Ikalawang Dibisyon ng Sandiganbayan, na naglalayong gawing virtual ang kanyang pagharap sa korte sa mga susunod na hearing kung ito ay papayagan ng hukuman.
Ayon sa kanyang mga abogado, makatutulong ang naturang setup upang makadalo si Estrada sa mga sesyon, caucus at committee hearings ng Senado nang hindi naaapektuhan ang pag-usad ng kasong kanyang kinakaharap.
Nagbigay naman ng paunang positibong pananaw si Presiding Judge Geraldine Faith Econg hinggil sa kahilingan. Aniya, wala siyang nakikitang agarang problema sa paggamit ng video conferencing dahil kinikilala at pinapayagan ito sa ilalim ng mga patakaran na inaprubahan ng Kataas-taasang Hukuman at ginagamit na rin sa iba’t ibang korte sa bansa.
Gayunman, nilinaw ng hukom na ang magiging pasya ng Senado tungkol sa kung paano maisasagawa ni Estrada ang kanyang mga tungkulin bilang mambabatas ay hiwalay na usapin at wala nang saklaw ang Sandiganbayan dito.
Kung maaaprubahan, maaaring maging daan ang virtual court attendance upang mapagsabay ng senador ang kanyang legal na laban at ang kanyang mga responsibilidad bilang halal na opisyal habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kanyang kaso.













