Isinusulong ni Vicente Sotto III ang tuluyang pagbasura sa Oil Deregulation Law upang maibalik sa pamahalaan ang kapangyarihang magtakda at kumontrol sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa, lalo na sa gitna ng epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa pamamagitan ng inihain niyang Senate Bill No. 1984, layunin ni Sotto na wakasan ang kalayaan ng mga kumpanya ng langis sa pagtatakda ng kanilang presyo.
Ayon sa mambabatas, napapanahon na ang pakikialam ng estado dahil sa direktang epekto ng mga krisis sa ibang bansa sa gastusin ng mga karaniwang Pilipino.
Sa ilalim ng Republic Act No. 8479, inalis ng pamahalaan ang kontrol nito sa industriya ng langis upang maging mas kompetitibo ang merkado pagdating sa suplay at presyo ng petrolyo.
Gayunpaman, ipinaalala ni Sotto na bago naipasa ang naturang batas, ang Energy Regulatory Board ang nagtatakda ng presyo ng petrolyo batay sa galaw ng pandaigdigang presyo ng langis at palitan ng salapi.













