-- ADVERTISEMENT --

Nanindigan si Robin Padilla na dapat payagang gampanan ni Ronald dela Rosa ang kanyang tungkulin bilang senador sa kabila ng kinahaharap nitong banta ng pag-aresto kaugnay ng umano’y warrant mula sa International Criminal Court o ICC.

Sa isang Facebook post, binigyang-diin ni Padilla ang prinsipyo ng presumption of innocence, iginiit na hindi dapat ituring na kriminal ang isang halal na opisyal hangga’t wala pang pinal na hatol laban dito.

Ayon sa senador, may mandato si Dela Rosa mula sa publiko matapos itong makakuha ng malaking bilang ng boto noong 2025 senatorial elections kaya dapat umano itong mabigyan ng paraan upang maipagpatuloy ang serbisyo publiko, kabilang na ang pagdalo sa sesyon sa pamamagitan ng online o remote attendance.

“Gamitin ang technology para magampanan niya ito,” pahayag ni Padilla.

Patuloy namang umugong ang usapin matapos maiulat na posibleng target ng ICC warrant si Dela Rosa kaugnay ng mga kontrobersiyang konektado sa war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.

Matatandaang pansamantala ring nagpakita si Dela Rosa sa Senado noong Mayo 11 bago muling hindi makita sa publiko. Nauna rin siyang isinailalim sa protective custody ng Senado at kalaunan ay umalis ng gusali kasama si Padilla matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado.

Samantala, nananatiling hati ang Senado sa panukalang payagan ang remote participation ng mga senador sa plenary sessions. Nag-walkout pa ang minority bloc bilang protesta sa umano’y minamadaling pag-amyenda sa Senate rules upang pahintulutan ang teleconferencing sa mga sesyon.