KORONADAL CITY — Nasa kustodiya na ngayon ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na itinuturing na High-Value Individuals (HVI) matapos silang maaresto sa ikinasang buy-bust operation kagabi, Mayo 20, bandang alas-10:22 ng gabi sa Barangay GPS sa lungsod na ito.
Kinilala ng Koronadal City Police Station ang mga suspek na sina alyas “Arian,” 33 taong gulang, isang beautician at residente ng Barangay Zone II, at ang kasama nitong si alyas “Bro,” 33 taong gulang, walang trabaho, na residente naman ng Barangay Sta. Cruz.
Huli sa akto ang dalawa habang nagbebenta ng iligal na droga sa isang undercover na pulis na nagsilbing poseur buyer.
Nabili mula sa mga suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Isang Libong Piso (Php 1,000.00).
Maliban sa buy-bust item, nakumpiska pa mula sa pag-iingat ng dalawa ang tatlo pang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 150 gramo at may tinatantyang street value na Isang Milyon, Dalawampung Libong Piso (Php 1,020,000.00).
Ang operasyon ay matagumpay na isinagawa ng pinagsamang pwersa ng Koronadal CPS-CPDEU, SCPPDEU, SCPIU, 1st SCPMFC, at sa koordinasyon ng PDEA 12.
Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga naarestong suspek.













