Na-neutralisa ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang No. 2 most wanted criminal sa Sulu na si Alganer Dahim alyas “Wangbu” sa isinagawang operasyon sa Brgy. Kapok Punggol, Maimbung nitong Agosto 16, 2025.
Kabilang sa operasyon ang mga tauhan ng 41st Infantry Battalion, 11th Infantry Division, Maimbung Police, RMFB14, at PDEA, kung saan nasawi ang suspek na sangkot sa pagpatay kay P/Col. Kasim, dating hepe ng Sulu PPO, at sa masaker ng tatlong miyembro ng pamilyang Amil. Si Dahim ay kilala ring sangkot sa malakihang kalakalan ng ilegal na droga sa lalawigan.
Narekober sa lugar ang ilang matataas na kalibre ng baril, magasin, at bala.
Samantala, apat na sundalo ang nasugatan matapos tamaan ng shrapnel mula sa granada ngunit agad namang nabigyan ng lunas.
Ayon kay Maj. Gen. Leonardo Peña, Commander ng 11th Infantry Division, patuloy nilang tutugisin ang mga kriminal at lawless elements upang matiyak ang kapayapaan at seguridad sa Sulu.