-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ng National Food Authority (NFA) na ang itinakdang mas mataas na buying price na P30 kada kilo ng palay ay para lamang sa mga tunay at rehistradong magsasaka, upang maiwasan ang pang-aabuso ng mga trader o middlemen.

Ayon kay Larry Lacson, ipinatupad ang pagtaas ng presyo bilang tugon sa patuloy na pagmahal ng gastos sa produksyon at presyo ng krudo, na direktang nakaaapekto sa kita ng mga magsasaka.

Upang matiyak na hindi makakalusot ang mga hindi awtorisadong nagbebenta, kinakailangang nakarehistro ang mga magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture, o kaya naman ay may sertipikasyon mula sa kanilang municipal agriculture office bilang patunay na sila ay lehitimong magsasaka.

Naglagay din ang NFA ng “farmer’s desk” sa kanilang mga buying station upang mabantayan ng publiko ang proseso ng pagbili ng palay, bilang bahagi ng transparency at citizen participation audit. Ilalathala rin sa bulletin board ang listahan ng mga magsasakang nagbenta ng kanilang ani.

Dagdag pa ng ahensya, layunin nitong mapalakas ang buffer stock ng bigas sa bansa, lalo na’t nakabili lamang sila ng mas mababa sa 1% ng kanilang target na imbentaryo sa mga nagdaang buwan dahil sa mataas na presyo ng palay.

Ipinaliwanag din ng NFA na ang mga nabibiling palay ay hindi agad ilalabas sa merkado, kundi iimbakin muna bilang reserba na maaaring gamitin sa panahon ng kalamidad, emergency, o kakulangan sa suplay.