Inakusahan ni Vice President Sara Duterte ang administrasyong Marcos na ginagamit ang mga alegasyon tungkol sa China-funded business ventures, pagkakasamsam ng 521 kilo ng shabu sa Laos at umano’y travel authority niya upang iugnay siya sa mga usapin ng pambansang seguridad at patalsikin sa puwesto.
Sa pahayag ng Office of the Vice President nitong Martes, Oktubre 20, kinuwestiyon ni Duterte ang kredibilidad ng mga alegasyon. Aniya, tila inililihis ng pamahalaan ang usapin sa mga bagong paratang matapos umanong mabigong patunayan ng prosecution team ng Kamara ang mga akusasyon laban sa kanya.
Itinanggi rin ng bise presidente ang umano’y travel authority patungong Laos, na tinawag niyang gawa-gawa at walang sapat na ebidensiya upang suportahan ang mga alegasyon laban sa kanya.
Nauna nang nilinaw ng Department of the Interior and Local Government na walang kaugnayan ang pamilya Duterte sa nabigong pagpupuslit ng droga mula Laos patungong Mindanao.
Nanawagan naman si Duterte sa pamahalaan na ituon ang pansin sa mga pangunahing suliranin ng bansa, kabilang ang kahirapan at kagutuman, sa halip na makisangkot sa pamumulitika.












