Tiniyak ng Malacañang na patuloy ang paghahanap ng pamahalaan kay dating kongresista Zaldy Co, sa kabila ng pag-archive ng Sandiganbayan sa graft case laban sa kanya dahil sa kabiguang maaresto sa loob ng mahigit anim na buwan.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi tumitigil ang mga awtoridad sa paghabol kay Co na nahaharap sa graft at malversation cases kaugnay ng umano’y anomalya sa road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Giit ni Castro, ang pag-archive ng kaso ay procedural lamang at hindi ibig sabihin ay ibinasura na ito. Aniya, ibabalik ang kaso sa regular na proseso kapag naaresto na si Co, at nananatiling hindi apektado ang prescriptive period.
Si Co, dating chairman ng House Committee on Appropriations, ay iniuugnay sa umano’y iregularidad sa flood control projects. Umalis siya ng bansa noong Hulyo 2025 para sa medical treatment, at naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan noong Nobyembre 2025.
Ayon sa ulat, naunang naiulat ang kanyang pagkakaaresto sa Czech Republic ngunit kalaunan ay nakalabas at nag-apply ng political asylum sa France.













