Pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng ilang bullet train at isinara ang bahagi ng mga expressway sa hilagang Japan matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang bahagi ng Iwate Prefecture ngayong araw.
Naganap ang lindol bandang alas-7:30 ng umaga sa dagat malapit sa Iwate sa isla ng Honshu, na may lalim na tinatayang 50 kilometro ayon sa Japan Meteorological Agency.
Naramdaman ang pagyanig hanggang sa Tokyo, mahigit 700 kilometro mula sa episentro. Sa Aomori Prefecture, na pinakamalapit sa pinagmulan ng lindol, umabot sa antas na “upper 6” ang lakas ng pagyanig sa Shindo intensity scale ng Japan, na maaaring magdulot ng matinding pag-uga at pagkakatumba ng mga gamit sa loob ng bahay.
Agad na itinigil ng East Japan Railway ang biyahe ng Tohoku Shinkansen sa pagitan ng Sendai at Shin-Aomori upang magsagawa ng safety inspections. May ilang expressway rin sa Aomori na pansamantalang isinara para sa pagsusuri.
Sa kabila ng malakas na pagyanig, walang inilabas na tsunami warning at wala ring naiulat na nasawi o malawakang pinsala. Sa Hachinohe City, nanatiling maayos ang daloy ng trapiko habang gumagana rin ang mga traffic lights. Isang residente sa Hashikami ang nag-ulat na isang frame ng larawan lamang ang nahulog sa kanilang tahanan.
Ayon kay Chief Cabinet Secretary Minoru Kihara, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon habang wala pang naitatalang nasawi. Kinumpirma rin ng Nuclear Regulation Authority na walang nakitang abnormalidad sa mga nuclear power plant sa Onagawa, Higashidori at Tomari.
Nag-utos naman si Prime Minister Sanae Takaichi sa mga ahensya ng gobyerno na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at nanawagan sa publiko na manatiling alerto sa posibilidad ng mga aftershocks.













