Kapwa inaasahang iimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee sina Senator Alan Peter Cayetano at Philippine Television Network (PTV) General Manager Lino Cayetano sa pagdinig kaugnay ng umano’y mga “ghost” flood control projects sa Taguig City.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Senator Erwin Tulfo, si Lino Cayetano—na naging alkalde ng Taguig mula 2019 hanggang 2022—ang humiling ng imbestigasyon sa mga flood control projects na ipinatupad sa lungsod mula 2022 hanggang 2025 at nagkakahalaga umano ng P6 bilyon.
Sinabi ni Tulfo na mahalagang marinig ang panig ni Lino Cayetano, lalo’t siya mismo ang naghain ng panawagang siyasatin ang mga proyekto.
Nauna nang itinanggi ni Senator Alan Peter Cayetano ang mga alegasyong may mga “ghost” flood control projects sa Taguig. Binatikos din niya sina Senators Erwin Tulfo at Panfilo “Ping” Lacson, at kinuwestiyon ang umano’y pagtaas ng kanilang mga yaman noong 2025.
Inaasahang ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27.













