-- ADVERTISEMENT --

Naging tampok sa International Media Center ang mga lokal na kape at produktong cacao ng Pilipinas matapos dagsain ng mga dayuhang mamamahayag at delegado ang inihandang Coffee. Cocoa. Coconut. booth ng Department of Tourism (DOT).

Tampok sa naturang exhibit ang Coffee Heritage Project na nagtatampok ng iba’t ibang uri ng lokal na kape at cacao na itinanim at inani ng mga magsasakang Pilipino mula sa iba’t ibang lalawigan.

Mahahabang pila ang nabuo sa booth habang tinatangkilik ng mga bisita ang mga produktong agrikultural na kumakatawan sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Layunin ng DOT na ipakilala sa mga banyagang bisita ang mayamang kultura at lokal na produkto ng bansa, gayundin ang husay at pagsisikap ng mga magsasakang Pilipino.

Bahagi rin ito ng pagsusulong ng agricultural tourism upang mabigyan ng mas malawak na pagkilala sa pandaigdigang merkado ang mga lokal na produkto at komunidad na nasa likod ng mga ito.