-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Chel Diokno na hindi pa kinakailangang buksan sa ngayon ang tinatawag na “green box” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa gitna ng impeachment proceedings.

Ayon sa kanya, nasa yugto pa lamang ng paghahanap ng probable cause ang proseso, kaya’t ang pagbubukas ng naturang kahon—na naglalaman umano ng tax records—ay maaaring magamit laban sa kaso at maging dahilan para kuwestyunin ito sa korte.

Ipinaliwanag ni Diokno na sapat na sa puntong ito ang mga ebidensyang inilabas ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), kabilang ang bank transaction records, pati na rin ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Sara Duterte, upang ipakita ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Matatandaang napagkasunduan ng House Committee on Justice noong Abril 22 na huwag munang buksan ang naturang “green box,” na may kaugnayan din sa mga rekord ng asawa ng bise presidente na si Mans Carpio.

Gayunpaman, nilinaw ni Diokno na hindi tuluyang isinasantabi ang hakbang na ito—maaari pa rin itong gawin sa mga susunod na yugto ng proseso kung kinakailangan, lalo na kapag umabot na sa mas masusing pagdinig ang reklamo.