-- ADVERTISEMENT --

Posibleng maging sentrong usapin sa impeachment trial ni Sara Duterte ang umano’y hindi pagdedeklara ng mga rehistradong baril sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon Terry Ridon, isa sa mga miyembro ng House prosecution panel, hindi bababa sa 50 baril ang umano’y nakarehistro sa pangalan ng Bise Presidente at ng kanyang asawang si Manases Carpio. Aniya, maaaring makaapekto ang halaga ng mga naturang armas sa kabuuang net worth na dapat nakasaad sa SALN.

Sinabi ni Ridon na plano ng prosekusyon na humingi ng mga rekord mula sa Philippine National Police upang beripikahin ang pagmamay-ari ng mga baril. Posible rin umanong ipatawag sa paglilitis ang mga firearms dealer at valuation experts upang matukoy ang aktuwal na halaga ng mga ito.

Iginiit ng mambabatas na ang mga rehistradong personal na ari-arian, kabilang ang mga baril, ay dapat naisasama sa SALN ng mga opisyal ng gobyerno. Ayon sa kanya, binubuo umano ang koleksiyon ng mag-asawang Duterte-Carpio ng iba’t ibang uri ng armas gaya ng rifle, revolver, shotgun, at pistol, na maaaring umabot sa milyun-milyong piso ang kabuuang halaga.

Gayunman, nilinaw ni Ridon na hindi nakatuon ang usapin sa paggamit o pagmamay-ari ng mga baril kundi sa umano’y pagkukulang na maisama ang mga ito sa opisyal na deklarasyon ng ari-arian.

Ang isyu ay kabilang sa mga ebidensyang inihahanda ng House prosecution panel para sa impeachment case laban sa Bise Presidente, na nakatakdang umusad sa paglilitis simula Hulyo 6.