-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag ng reservation ang ilang miyembro ng Senate impeachment court kaugnay ng naging desisyon na magpalabas ng subpoena para sa bank records, tax records, at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol na naghain ng magkakahiwalay na manifestations sina Senator-Judges Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Loren Legarda, Imee Marcos, at Camille Villar tungkol sa nasabing subpoena.

Nilinaw rin niyang inaalam pa kung naghain din ng katulad na manifestation si Senator-Judge Bong Go.

Kabilang sa nagpahayag ng pagtutol si Senator Imee Marcos, na nagsabing hindi dapat isama sa subpoena ang mga financial records ng Bise Presidente na sumasaklaw sa panahon bago ito nanungkulan bilang pangalawang pangulo.

Ayon kay Marcos, nagsimula lamang ang termino ni Duterte noong Hunyo 30, 2022, kaya’t ang mga pangyayaring umano’y naganap bago ang petsang iyon ay hindi dapat gamiting batayan sa impeachment case laban sa kanya.