-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Israel na handa nitong ibalik sa “dark ages” ang Iran habang patuloy na tumitindi ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Ito ang naging pahayag ni Israel Katz, na nagsabing nakahanda ang kanilang militar na muling ilunsad ang opensiba laban sa Iran.

Ayon pa kay Katz, nakapili na umano sila ng mga target at hinihintay na lamang ang pahintulot ng United States upang ituloy ang operasyon.

Dagdag ng opisyal, layunin nilang pahinain at tuluyang pabagsakin ang pamumuno ng lider ng Iran na si Ali Khamenei.

Samantala, inaasahang magpupulong si Benjamin Netanyahu kasama ang matataas na opisyal ng seguridad upang talakayin ang lumalalang sitwasyon sa Israel at Lebanon.

Patuloy rin ang paglala ng sigalot sa pagitan ng United States at Iran, kabilang ang pag-agaw umano ng U.S. sa mga barkong may kargang langis mula sa Iran, kasabay ng muling pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz.

Sa kabila ng mga naunang pag-atake ng Israel na ikinasawi ng ilang matataas na opisyal ng Iran, nananatiling matatag ang pamahalaan nito. Gayunman, nagbabala si Katz na ang susunod na hakbang ay mas magiging mabagsik at magdudulot ng mas malawak na pinsala.