-- ADVERTISEMENT --

COTABATO CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos umanong magkaroon ng pagsabog sa Purok Amirol, MB Kalanganan, Cotabato City, dakong alas-8:00 kagabi, Setyembre 13, isang araw bago ang unang BARMM Parliamentary Election.

Kinilala ang sugatan na si Zainodin Sapal Macabuat, residente ng Poblacion 1, Cotabato City.

Batay sa inisyal na ulat ng Police Station 4 ng Cotabato City Police Office, nasa lugar umano ang biktima at naghihintay sa kanyang construction foreman nang makakita siya ng puting liwanag bago makarinig ng malakas na pagsabog.

Dahil dito, napahiga umano sa lupa ang biktima at kalaunan ay napag-alamang nagtamo ng sugat.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng pagsabog, pagkakakilanlan ng posibleng suspek, at motibo sa insidente.

Samantala, nagsagawa ng clearing operation ang Explosive Ordnance Disposal o EOD team ng Cotabato City upang matiyak ang kaligtasan sa lugar at suriin ang posibleng pinagmulan ng pagsabog.