Hiniling ng mga tagausig ng International Criminal Court (ICC) na direktang gamitin bilang ebidensiya ang mga naunang naitalang testimonya ng tatlong saksi sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa mosyong may petsang Oktubre 21, sinabi ng prosekusyon na naglalaman ang mga testimonya ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga umano’y extrajudicial killing na kinasasangkutan ng mga pulis, kabilang ang mga insidente sa ilalim ng kampanya kontra droga.
Ayon sa mga tagausig, mapabibilis ang paglilitis kung gagamitin ang mga naunang pahayag at lilimitahan na lamang ang karagdagang pagtatanong. Gayunman, kailangan pa ring humarap sa korte ang mga saksi at sumailalim sa cross-examination ng panig ng depensa.
Nananatiling nakabinbin sa Trial Chamber ng ICC ang mosyon habang hinihintay ang pasya ng mga hukom.













