Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang European Union at ilang bansang Europeo matapos magbanta ang Russia ng posibleng pag-atake sa Kyiv at hikayatin ang mga dayuhan, kabilang ang mga diplomat, na lumikas mula sa kabisera ng Ukraine.
Dahil dito, ipinatawag ng Germany, Norway, Netherlands, Poland, at Sweden ang mga kinatawan ng Russia upang magpaliwanag kaugnay ng mga pahayag ng Moscow na target umano nito ang mga military facility at “decision-making centers” sa Kyiv.
Ayon sa European Union diplomatic service, ipinatawag nila ang Russian chargé d’affaires upang ipahayag ang pagtutol sa tinawag nilang “unacceptable escalation” ng tensyon. Sa kabila nito, tiniyak ng EU na mananatili ang kanilang delegasyon sa Kyiv.
Samantala, ipinatawag ng Norway si Russian Ambassador Nikolai Korchunov upang magpaliwanag hinggil sa umano’y tahasang pagbabanta laban sa mga dayuhang nasa Ukraine.
Nanawagan naman ang Poland na agad itigil ng Russia ang tinawag nitong “unlawful aggression” laban sa Ukraine.
Sa panig ng Moscow, itinanggi ng Russian embassy sa Germany ang mga akusasyon at sinabing “surgical strikes” lamang umano ang kanilang isinasagawa laban sa mga target na militar.
Iginiit din ng Russia na ang planong operasyon ay tugon sa umano’y “terrorist attacks” ng Kyiv, kabilang ang insidente sa Luhansk na ikinasawi ng 21 katao. Gayunman, pinabulaanan ito ng Ukraine at sinabing ang target ng kanilang operasyon ay isang Russian drone unit.







