Muling nagningning si Carlos Yulo sa 2026 Asian Games matapos niyang masungkit ang gintong medalya sa men’s vault event sa Aichi-Nagoya, Japan.
Ito na ang ikalawang gold medal ni Yulo sa torneo matapos niyang manguna sa kompetisyon gamit ang pinagsamang average score na 14.599 mula sa kaniyang dalawang vault.
Nakapagtala ang Filipino gymnast ng 14.733 sa kaniyang unang pagtatangka at 14.466 naman sa ikalawang vault.
Nasungkit ni Mahdi Olfati ng Iran ang silver medal, habang bronze naman ang napunta kay Ka Ki Ng ng Hong Kong, China.
Samantala, isa pang medalya ang inaasahang maiuuwi ng Pilipinas matapos umabante sa championship match ang women’s 3×3 basketball team.
Tinalo ng Team Pilipinas ang Thailand, 13-8, sa semifinals upang makapasok sa laban para sa gintong medalya.
Magpapatuloy ngayon ang kampanya ng mga atletang Pinoy para sa medalya habang papalapit sa pagtatapos ang kompetisyon sa 2026 Aichi-Nagoya Asian Games.













