Itinakda ng International Criminal Court ang ikalawang status conference sa kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng umano’y crimes against humanity na may kinalaman sa kanyang kontrobersyal na “war on drugs.”
Ayon sa inilabas na public order ng ICC, gaganapin ang pagdinig sa Hunyo 23, 2026 mula 10:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali (lokal na oras). Layunin nitong talakayin ang ilang procedural at legal na isyu bago tuluyang sumulong ang mas malalim na pagdinig ng kaso.
Kabilang sa limang pangunahing usaping nakatakdang pag-usapan ay ang deadline sa pagsusumite ng obserbasyon sa Expert Panel Report, ang pag-adopt ng protocol sa paghawak ng confidential information, at ang limitasyon sa haba ng Prosecution Trial Brief. Tatalakayin din ang iskedyul ng susunod na status conferences matapos ang judicial recess, pati na ang regulasyon sa public statements ng mga counsel.
Nauna nang isinagawa ang unang status conference noong Mayo 27, 2026, kung saan kinilala ng Trial Chamber III ang pangangailangang magdaos pa ng karagdagang session upang masusing talakayin ang mga procedural na detalye ng kaso.
Bilang paghahanda, hiniling ng hukuman noong Hunyo 12 ang mga mungkahing isyu mula sa mga partido. Ayon sa tala, tanging ang prosekusyon lamang ang nagsumite ng rekomendasyon noong Hunyo 17, habang sinabi naman ng depensa at Registry na wala na silang idaragdag na isyu.
Bagama’t nakatakdang maging pampubliko ang status conference, nilinaw ng ICC na maaari itong magdaos ng closed-door session kung kinakailangan, lalo na kung may sensitibong impormasyon tungkol sa mga testigo at seguridad.
Kinumpirma rin ng hukuman na hindi lalahok si Duterte sa naturang pagdinig matapos niyang i-waive ang kanyang karapatang dumalo.













