Umaasa ang House prosecution panel na magiging patas at walang political bias ang mga senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, inaasahan nilang igagalang ng mga senator-judge ang proseso at susundin ang mga panuntunan ng impeachment court.
Binigyang-diin din ng prosecution ang kahalagahan ng personal na pagdalo ng mga senador sa mga pagdinig. Anila, mas magiging malinaw sa mga senador ang testimonya kung sila mismo ang makakakita at makakarinig sa mga testigo at direktang makapagmamasid sa kanilang kilos at paraan ng pagsagot.
Samantala, sinabi ni Manila Rep. Joel Chua na nanumpa ang mga senator-judge na mananatiling politically impartial sa kanilang paghatol.
Giit ng prosecution, dapat nakabatay ang magiging desisyon ng mga senador sa batas, mga ebidensyang iniharap sa paglilitis at sa kanilang sariling obserbasyon sa mga pagdinig, sa halip na sa anumang konsiderasyong pulitikal.
Gayunman, nilinaw ng prosecution na hindi nila hinihiling na pilitin ng presiding officer ang mga senator-judge na personal na dumalo sa lahat ng pagdinig. Anila, nasa impeachment court pa rin ang kapangyarihang magtakda at magpasya sa usapin ng pagdalo ng mga senador.













