Nakapagtala na ang Office of Civil Defense (OCD) Region XII ng pagbaha sa mga bayan ng Glan, Malapatan, Maasim, at Maitum sa Sarangani Province, General Santos City, at sa mga bayan ng Palimbang at Bagumbayan sa Sultan Kudarat dahil sa patuloy at malakas na pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay OCD Region XII Spokesperson Beverly Anne Santos, sinabi nito na as of July 24, 2026, 70 pamilya sa Maasim, Sarangani ang naapektuhan at pansamantalang nananatili sa Brgy. Lumasal Covered Court. Sa Maitum, mahigit 100 pamilya naman ang nasa mga evacuation center, habang sa Bagumbayan, Sultan Kudarat, inisyal na 44 pamilya ang lumikas.
Sa General Santos City, mayroon ding mga evacuee sa tatlong barangay. Samantala, sa Glan at Malapatan, nagpapatuloy pa ang validation ng mga awtoridad sa kabuuang pinsala at bilang ng mga naapektuhan.
Sa Palimbang, Sultan Kudarat, mahigit 10 barangay ang naapektuhan ng pagbaha at may naitala ring landslide.
Dagdag pa ni Santos, may ilang kalsada at tulay ang naapektuhan ng pagbaha. Mayroon ding mga tulay sa Sarangani Province na hindi pa rin madaanan dahil sa natitirang pinsala ng magnitude 7.8 na lindol, na lalo pang pinalala ng patuloy na malalakas na pag-ulan.
Dahil dito, patuloy ang koordinasyon ng OCD Region XII sa DSWD, mga lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya ng gobyerno upang mapabilis ang paghahatid ng relief assistance sa mga apektadong pamilya.
Nanawagan din si Santos sa mga residenteng nakatira sa coastal areas, flood-prone, at iba pang delikadong lugar na agad lumikas kung may inilalabas na evacuation order upang matiyak ang kanilang kaligtasan.













