Nasa 41 katao ang nagtamo ng minor injuries at humigit-kumulang 200 sasakyan ang napinsala matapos tamaan ng record rainfall ang Nagoya, Japan dahil sa linear rainband nitong Martes.
Dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan, nasa 1,600 residente ang lumikas patungo sa mga evacuation center. Naging malaking abala rin ang pagbaha sa transportasyon, dahilan upang maraming commuter at estudyante ang ma-stranded at hindi agad nakauwi.
Ayon sa Japan Meteorological Agency, inaasahang magpapatuloy ang malakas na ulan hanggang Huwebes, na may posibilidad ng pagbaha, pagtaas ng tubig sa mga ilog at landslide. Posibleng umabot sa 200 millimeters ang ulan sa Tokai at Kinki regions sa loob ng 24 oras.
Dahil dito, ilang motorista ang nahirapang bumiyahe at naiulat din ang mga landslide sa ilang bahagi ng bansa. Suspendido rin ang klase at trabaho sa ilang lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha.













