-- ADVERTISEMENT --

Ipinapanukala ngayon sa Kamara de Representantes ang isang hakbang na maaaring magbago sa paraan ng pagkontrol sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa, lalo na sa panahon ng biglaang pagtaas nito.

Sa ilalim ng House Bill 8839 o “Fuel Price Stabilization and Energy Security Act,” na inakda ni Manila Representative Joel Chua, bibigyan ng mas aktibong papel ang pamahalaan sa pamamahala ng presyo at suplay ng langis—isang malaking paglihis mula sa kasalukuyang setup kung saan pangunahing ang mga pribadong kompanya ng langis ang nagtatakda ng presyo sa ilalim ng Oil Deregulation Law.

Isa sa mga sentrong probisyon ng panukala ang paglikha ng Oil Price Stabilization Fund at Strategic Petroleum Reserve. Layunin nitong samantalahin ang mababang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado sa pamamagitan ng pag-iimbak, upang magamit sa mga panahong may krisis o biglaang pagtaas ng presyo.

Ayon kay Chua, makatutulong ang sistemang ito upang maiwasan ang panic buying at matiyak ang tuloy-tuloy at sapat na suplay ng langis, kahit sa harap ng pandaigdigang kaguluhan.