-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na inaprubahan na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang kahilingan nitong maglabas ng freeze order laban sa mga ari-arian ng dating House Speaker na si Martin Romualdez.

Ayon kay Remulla, naisumite na sa Court of Appeals ang naturang freeze order bilang bahagi ng legal na proseso. Nauna nang ibinunyag ng AMLC na may isang mambabatas silang inisyuhan ng freeze order kaugnay sa umano’y pagkakasangkot sa anomalya sa mga flood control project.

Saklaw ng kautusan ang malawak na hanay ng assets, kabilang ang 25 bank accounts at 10 insurance policies na nakapangalan kay Romualdez, gayundin ang 27 karagdagang bank accounts, 10 insurance policies, at isang investment account na konektado rin sa kanya. Nadamay din ang ilang asset na nasa ilalim ng isang corporate entity, kabilang ang dalawang bank accounts, pitong property accounts, at isang real estate property.

Dagdag pa ni Remulla, inaasahang magsasampa ng anim na kaso kaugnay ng sinasabing flood control scandal sa susunod na linggo, bilang bahagi ng pinaigting na imbestigasyon ng pamahalaan.