Ibinasura ng Court of Appeals (CA) 3rd Division ang petisyon ni dating Negros Oriental congressman na si Arnolfo Teves Jr. na kumukuwestiyon sa umano’y grave abuse of discretion ng isang hukom kaugnay ng mga search warrant na inilabas noong 2023.
Ang petisyon ay tumutukoy sa mga search warrant na inisyu ni Renato Enciso ng Manila RTC Branch 12 laban kay Teves at sa kanyang mga anak na sina Kurt Matthew at Axl, na may kinalaman sa mga baril, bala, at pampasabog.
Iginiit ni Teves na nagkamali umano ang hukom sa hindi pagbasura ng mga warrant at sa pagpapahintulot na magamit sa korte ang mga ebidensyang nakumpiska. Kinuwestiyon din niya ang kredibilidad ng mga testigo, kabilang ang isang dating STL collector at isang pulis na aniya’y walang personal na kaalaman sa mga armas.
Gayunman, ayon sa Court of Appeals, nabigo si Teves na patunayan na may naganap na matinding pagkakamali o “gross misapprehension of facts” sa panig ng hukom. Binigyang-diin ng korte na nasunod ang tamang proseso sa pagkuha ng testimonya at saklaw ng search ang buong bahay, kaya’t nananatiling balido ang mga search warrant at legal ang mga nakuhang ebidensya.
Kaugnay nito, patuloy na hinaharap ni Teves ang kasong multiple murder na may kinalaman sa pagpatay kay Roel Degamo at siyam pang iba.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakakulong si Teves sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kanyang mga kaso.











