Naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng mga Letters of Authority (LOAs) para sa pagsasagawa ng tax audit laban kay Vice President Sara Z. Duterte, sa kanyang asawa na si Manases R. Carpio, at sa siyam na negosyong sinasabing konektado sa kanila.
Ayon sa BIR, ang hakbang ay resulta ng kanilang pagsusuri na nagpakita ng “probable cause” upang magsagawa ng pormal na imbestigasyon sa tax compliance ng mga naturang indibidwal at kumpanya. Bibigyan ng kapangyarihan ang itatalagang revenue officers na suriin ang mga libro ng accounts at iba pang financial records.
Ipinabatay ang desisyon sa third-party information mula sa iba’t ibang opisyal at pampublikong source, alinsunod sa Section 5 ng National Internal Revenue Code. Kabilang dito ang mga dokumento mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng SALN, pati na rin ang mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na lumabas sa mga pagdinig sa House of Representatives.
Mga kumpanyang sasailalim sa audit:
- Carpio Lawyers (dating Carpio & Duterte Lawyers)
- Zelta Matiem Salon
- City Hall King Chow Foods Corporation
- Davao Bounty Times Foods Corporation
- Madayaw Fisheries Inc.
- Davao Emerging Taipans Corporation
- Amianan Shores, Inc.
- Cale88 Foods Corporation
- Geometry Security and Investigation Agency, Inc.













