-- ADVERTISEMENT --

Nagpatupad ng mas mahigpit na pagbabantay ang mga awtoridad sa kalusugan sa France matapos makumpirma ang kauna-unahang kaso ng Ebola sa bansa.

Ayon sa French health ministry, ang pasyente ay isang indibidwal na kagagaling lamang sa Democratic Republic of Congo kung saan bahagi ito ng isang humanitarian mission. Kaagad itong isinailalim sa mahigpit na isolation at dinala sa isang specialized medical facility upang mabigyan ng kaukulang pangangalaga at maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit.

Ang kaso ang kauna-unahang kumpirmadong Ebola infection sa Europa kaugnay ng kasalukuyang outbreak sa Congo. Bagama’t may isang Amerikanong doktor na nagpositibo rin sa Ebola habang nasa Congo at kalauna’y ginamot sa Germany, hindi ito itinuturing na lokal na kaso sa Europa.

Lumitaw ang kaso habang patuloy na nilalabanan ng Democratic Republic of Congo ang pagkalat ng virus matapos ideklara ang outbreak noong nakaraang buwan. Sa pinakahuling datos, mahigit 260 katao na ang nasawi habang lampas 1,000 indibidwal naman ang nahawahan ng sakit.

Dahil dito, muling binigyang-diin ng mga eksperto ang kahalagahan ng mahigpit na monitoring sa mga biyaherong nagmumula sa mga apektadong lugar upang mapigilan ang pagpasok at pagkalat ng Ebola sa ibang bansa.