Nanindigan si Senate impeachment court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero na kinakailangan ang 16 na affirmative votes mula sa mga senator-judges upang mahatulang guilty si Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Muling naging sentro ng usapin ang isyu matapos hilingin ni Senator-Judge Panfilo Lacson na linawin kung ang naging pahayag ni Escudero noong Lunes ay isang personal na legal na opinyon o isa nang opisyal na ruling ng impeachment court.
Bilang tugon, iginiit ni Escudero na ang kanyang naging pahayag ay nakabatay sa malinaw na probisyon ng 1987 Constitution, na nagsasaad na walang sinumang opisyal na maaaring ma-convict sa isang impeachment trial nang hindi nakakakuha ng boto ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
Dahil may kabuuang 24 na miyembro ang Senado, nangangahulugan ito na kinakailangan ang hindi bababa sa 16 na boto pabor sa conviction upang mapatunayang guilty ang respondent sa impeachment case.
Ang paglilinaw ni Escudero ay bahagi ng pagtalakay ng impeachment court sa mga procedural na usapin habang nagpapatuloy ang paglilitis laban kay Vice President Duterte.













