-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bukas pa rin ang kanilang programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) kahit para sa mga kabilang sa middle class, lalo na kung dumaranas ng biglaan at hindi inaasahang krisis.

Ayon kay Program Director Edwin Morata, hindi batayan ang antas sa lipunan sa paglapit sa AICS dahil ang mga sitwasyon tulad ng sakuna, malubhang sakit, o iba pang emergency ay maaaring makaapekto sa kahit sinong indibidwal.

Giit ng Department of Social Welfare and Development, ang layunin ng programa ay magbigay ng agarang tulong sa mga taong hindi kayang tugunan ang biglaang gastusin mula sa kanilang sariling kakayahang pinansyal.

May tatlong pangunahing hakbang sa aplikasyon: queuing, assessment, at interview bago maproseso ang tulong. Kabilang sa mga karaniwang hinihinging dokumento ang valid ID at mga medical records tulad ng medical certificate, medical abstract, o certification mula sa doktor o mental health professional.

Depende sa kaso, maaari ring kailanganin ang laboratory request, doktor’s order o treatment plan na may presyo, reseta ng gamot, o statement of account mula sa ospital.

Sa kabuuan, binigyang-diin ng ahensya na ang AICS ay nakalaan para sa sinumang indibidwal o pamilya na biglang napasok sa krisis at nangangailangan ng agarang pinansyal na suporta.