Umabot na sa 5,835 ang kaso ng leptospirosis sa bansa ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH), bagama’t mas mababa ito ng 19% kumpara sa 7,187 kaso sa kaparehong panahon noong 2025.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa National Capital Region na may 1,733, sinundan ng Central Luzon na may 632 at Cagayan Valley na may 561 kaso.
Bumaba rin ang bilang ng mga nasawi mula 764 noong 2025 sa 385 ngayong taon.
Gayunman, nagbabala ang DOH na huwag maging kampante ang publiko, lalo na sa mga lugar na patuloy na nakararanas ng pagbaha. Pinayuhan ni DOH Epidemiology Assistant Secretary Gerna Manatad ang mga nalusong sa baha na agad maligo gamit ang sabon at malinis na tubig at magpakonsulta upang matukoy kung kailangan ng preventive medication o prophylaxis.
Ang leptospirosis ay bacterial infection na maaaring makuha mula sa tubig o lugar na kontaminado ng ihi ng infected animals, partikular ng mga daga at baboy.
Samantala, inatasan ng Department of Education (DepEd) ang mga pampublikong paaralan na paigtingin ang information campaign laban sa leptospirosis at dengue.













