-- ADVERTISEMENT --

Pinag-iingat ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro ang publiko laban sa masamang epekto ng makapal na haze na umabot sa Metro Manila at ilang karatig-lugar mula sa patuloy na wildfire sa Kalimantan, Indonesia.

Dahil dito, idineklara ng Maynila at Quezon City na unhealthy hanggang very unhealthy ang kalidad ng hangin sa ilang lugar.

Ayon sa Department of Health (DOH), maaaring magdulot ang usok ng hirap sa paghinga, matinding pag-ubo, pananakit ng dibdib at pangangati o paghahapdi ng mga mata. Mas mataas ang panganib para sa mga bata, matatanda at may mga sakit sa puso o baga gaya ng hika.

Ipinaliwanag ni Teodoro na karaniwang Malaysia at Singapore ang naaabot ng haze mula sa wildfire sa Indonesia, ngunit sa pagkakataong ito ay nakarating ito sa Pilipinas dahil sa tindi ng sunog at direksyon ng hangin na dulot ng habagat.

Inaasahang mananatili ang haze nang ilang araw kaya pinayuhan ang publiko na limitahan muna ang outdoor activities, magsuot ng facemask at regular na subaybayan ang mga abiso ng mga awtoridad.