Binigyang-diin ng defense team ni Vice President Sara Duterte na ang arrest warrant na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court kaugnay ng tatlong counts ng grave threats ay hindi nangangahulugang napatunayan na siyang guilty sa mga alegasyon.
Ayon kay Atty. Justin Gular, deputy spokesperson ng defense team, bahagi lamang ng hiwalay na criminal proceeding ang warrant at hindi ito maituturing na finding of guilt laban sa Bise Presidente.
Itinakda ng korte ang piyansa sa P120,000 para sa bawat bilang ng kaso, na agad namang nabayaran ni Duterte.
Tumanggi si Gular na magkomento kung may epekto ang criminal case sa impeachment trial dahil hindi nila kinakatawan ang Bise Presidente sa naturang proceedings.
Samantala, sinabi ni Gular na nananatiling bukas ang posibilidad na si Duterte mismo ang tumestigo sa impeachment trial sa Senado, bagama’t wala pa umanong pinal na desisyon ang defense team.
Maaari rin umanong paikliin ng depensa ang kanilang presentasyon depende sa magiging lakas at kalidad ng mga ebidensyang ilalatag ng prosecution.













